Ramon, Isabela – Mahigit isang daang kilo ng Tilapia ang inani ngayong araw sa Magat Dam Aquaculture Park sa isinagawang unang pag-aani na pinangunahan ng mga lokal na mangingisda at mga kinatawan ng gobyerno sa bagong proyekto na High Density Poly Ethylene Circular Fishcage na inilagak noong nakaraang taon.
Ang nasabing proyekto na pinangangasiwaan ng Isabela Aqua Agriculture Cooperative ay ilan lamang sa mga inisyatiba ng ahensiya na naglalayong maitaas ang produksyon ng pangisdaan gamit ang makabagong pamamaraan.
Ang paglalagak ng HDPE Fish cage sa mga lugar na gaya ng Magat Dam ay kumakatawan sa mga bagong teknolohiya sa aquaculture, na inaasahang makatutulong sa pagiging produktibo ng mga lokal na mangingisda. Sa kabila ng mga hamon sa klima at iba pang panganib, ang fishcage project ay nagbibigay ng positibong kontribusyon sa kabuhayan ng mga residente sa nasabing bayan.
Samantala, ipinaliwanag ni Susana S. Rivera, chairperson ng ISAACO, ang kahalagahan ng pagtutulungan sa proyekto. “Umpisa na natin makakamtan ang pag angat ng ating kooperatiba at magpapatuloy ito kung tayo ay magkakaisa. Hiningi ko ang suporta at pagmamalasakit ng bawat miyembro sa poryektong ito. Ipagpatuloy natin ang maganda natin nasimulan.
Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Atty. Ronaldo Libunao, Hepe ng Fisheries Production Support Services Division ang kahalagahan ng proyekto. “Ang fishcage na ito ay hindi lamang naglalarawan ng sinseridad ng ating mga mangingisda kundi nagbibigay din ng pagkakataon sa ating mga kababayan na magkaroon ng masaganang ani at kita,” aniya.
Ang naturang pagtitipon ay dinaluhan din ng mga lokal na opisyal, mga miyembro ng mga mangingisda, at iba pang stakeholders na sama-samang nagdiwang sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyekto. Magsisilbing modelo ang 4-unit HDPE Circular Fishcage sa iba pang bayan sa bansa na nais sundan ang ganitong inobatibong hakbang sa industriya ng pangingisda.
Asahan ang karagdagang mga proyekto sa hinaharap na may layuning higit pang magpaunlad sa sektor ng pangingisda at pagyamanin ang kakayahan ng mga mangingisda. (Rogie Langcay,FIS)


























