CAMIGUIN ISLAND, Calayan, Cagayan – Iba’t ibang serbisyo ang hatid ng BFAR R02 para sa mga mangingisda at mga residente sa Isla ng Camiguin. Kabilang sa mga ito ay ang pagsasanay sa paggawa ng asin gamit ang hybrid technology kung saan ito ay kombinasyon ng pag gamit ng high-density polyethylene o HDPE at cooking method o pagluluto ng asin. Ito ay isinagawa mula Abril 8-10, 2025 sa Balatubat, Camiguin Island at nilahukan ng mga mangingisda at mga gumagawa ng asin sa lugar o mga “nag sasana”.

Ang ahensiya ay gumawa rin ng assessment o validation sa lugar ng mga possible pang maging pagawaan ng asin sa hinaharap. Ang naturang pagsasanay ay naglalayong muling buhayin ang industriya ng pag aasin sa lugar at upang magkaroon ng dagdag pang kabuhayan ang mga fisherfolk.

Kabilang din sa aktibidades ay ang pagtuturo sa mga fisherfolk ng tamang paghawak ng pera o financial literacy seminar sa pamamagitan ng interactive game o laro kung saan naituturo sa kanila ang ibat ibang konsepto ng pagiipon o pag iimpok, pagbubudget, mga pamamaraan ng pagpapalago ng kanilang mga kita at iba pa.

Namahagi rin ang ahensiya ng mga kagamitan sa pangingisda o mga post-harvest paraphernalia gaya ng box cooler (110L capacity) at mga fish crate o banyera sa mga mangingisda na dati ng naging benepisaryo ng FRP Boat mula rin sa kawanihan. Ito ay upang makatulong sa kanila na mas magkaroon ng maayos na paglalagyan sa kanilang mag huli upang masigurado na mapanatiling sariwa at maganda ang kalidad ng kanilang mga huli.                                                                                                                                                     Nagkaroon rin ng open forum o orientation sa mga fisherfolk patungkol sa kanilang katanungan sa batas sa pangisdaan o ang RA 10654. Dito tinalakay ang mga ipinagbabawal na mga pamamaraan ng panghuhuli ng isda at mga magiging epekto nito sa karagatan at sa kanilang kabuhayan. Tinalakay din ang ibat ibang programa ng ahensiya para sa mga fisherfolk na naglalayong iangat ang kanilang kabuhayan at mapabuti pa ang sector ng pangisdaan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang LGU-Calayan sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist at ang pamunuan ng Brgy. Balatubat sa pagdating ng ahensiya at sa pagpapaabot ng programa para sa mga fisherfolk sa kanilang lugar. Ayon kay Ginang Felecitas Paraggua na naging kinatawan ng BFAR Region 02, patuloy ang kawanihan na maghatid ng tulong at patuloy na magsasagawa ng mga programa na mag aangat sa antas ng kabuhayan ng mga fisherfolk at sector ng pangisdaan. (A. Porillo)