Claveria, Cagayan — Bilang bahagi ng pagpapaigting sa local aquaculture, pormal na inilunsad noong Pebrero 28, 2025, ang kauna-unahang High-Density Polyethylene (HDPE) fish cage sa baybayin ng Taggat, Claveria, Cagayan. Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng suportang pangkabuhayan at mapataas ang produksiyon ng isda sa mga baybaying komunidad sa pamamagitan ng makabago at makakalikasang teknolohiya sa pangisdaan.
Ipinagkaloob ang HDPE fish cage sa Lampiting Fisherfolk Association, isang organisasyon ng mga mangingisdang nagsusulong ng responsableng pangangalaga ng isda. Bahagi ito ng HDPE Fish Cage Program ng DA-BFAR na naglalayong magbigay ng sustenableng suporta sa produksiyon at palakasin ang pamamahala sa yamang-dagat ng bansa. Inaasahang makatutulong ang bagong proyektong ito sa pagpapataas ng lokal na suplay ng isda at magsisilbing huwaran para sa iba pang baybaying barangay sa rehiyon.
Dumalo sa nasabing seremonya ng paglulunsad ang mga pangunahing opisyal, kabilang sina Mayor Lucille Angelus Guillen-Yapo, Dante A. Castillo, Municipal Agriculturist; Atty. Ronaldo Libunao, Chief ng Fisheries Production and Support Services Division; at ang Provincial Fishery Officer ng Cagayan na si Jennifer Tattao, kasama ang iba pang mga kawani ng DA-BFAR RO2.
Samantala, bilang karagdagang suporta sa kabuhayan ng mga mangingisda, namahagi rin ang BFAR ng mga kagamitang pang-post-harvest sa mga tindera ng isda at mangingisda sa Sta. Praxedes, Sanchez Mira, at Claveria. Ang aktibidad na ito ay ipinatupad sa pamamagitan ng Fisheries Post-harvest and Marketing Section ng DA-BFAR RO2, sa pamumuno ni Gemma N. Libunao, na naglalayong mapanatiling sariwa ang mga isda at maiwasan ang pagkalugi ng mga benepisyaryo.
Ang dalawang aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na misyon ng DA-BFAR na paunlarin ang sektor ng pangisdaan at iaangat ang kabuhayan ng mga komunidad sa mga naturang bayan.