Tuloy-tuloy ang suporta ng DA-BFAR 2 sa mga mangingisdang, matapos ipamahagi ang libu-libong fingerlings sa iba’t ibang lalawigan sa Rehiyon II bilang bahagi ng pagpapalakas sa sektor ng pangisdaan.
Mahigit 102,800 na hito fingerlings ang naipamahagi kamakailan sa mga fish cage operators sa Rehiyon dos. Ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang lugar- 5 munisipalidad sa lalawigan ng Cagayan, 12 munisipalidad sa Isabela, 5 sa Quirino, at 14 sa Nueva Vizcaya.
Samantala, noong Mayo 7, 2025, naipamahagi rin ang mahigit 20,000 siganid fingerlings sa 47 fish pond operators sa bayan ng Buguey, Cagayan. Ang hakbang na ito ay layuning palakasin ang produksyon ng isda at mapabuti ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
Nagpasalamat ang mga lokal na fish cage at fish pond operators sa proyektong ito, na itinuturing nilang mahalagang tulong sa pagpapalago ng kanilang produksyon at kita. Ayon sa isang operator, “Makikinabang kami sa proyektong ito dahil makakapag-ani kami ng mas maraming isda at mapapabuti ang kalidad ng aming huli, na mahalaga para sa kapakanan ng aming komunidad.”
Ang inisyatibang ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng ahensya na tiyakin ang sapat na suplay ng isda at pag-angat ng kabuhayan ng mga mangingisda. (J. Langcay)
















