Sta. Maria, Isabela — Pormal na inilunsad ngayong araw, Hunyo 5, 2025, ang High-Density Polyethylene (HDPE) Fishcage Project sa Cambri Small Water Impounding Project (SWIP) sa Barangay Calamgui West, Sta. Maria, Isabela. Layunin ng proyektong ito na palakasin ang lokal na produksyon ng isda at magbigay ng alternatibong kabuhayan para sa mga mangingisda sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa aquaculture.
Ang proyekto ay iginawad sa St. Joseph House of Spirituality Farmers Credit Cooperative, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Provincial Fishery Office – Isabela, Local Government Unit (LGU) ng Sta. Maria, at Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Isabela.
Kilala ang HDPE fishcages sa kanilang tibay, tibay sa panahon, at pagiging ligtas sa kapaligiran. Inaasahang makatutulong ito upang mapataas ang ani ng isda at mapatatag ang kabuhayan ng bawat miyembro ng kooperatiba.
Bilang bahagi ng paghahanda, isinagawa ang talakayan at pagsasanay patungkol sa wastong pamamahala at pagpapalaki ng tilapia at karunungan sa ukol sa wastong paghawak ng pera para sa mga bawat miyembro ng kooperatiba. Layunin ng aktibidad na palalimin ang kanilang kaalaman sa wastong pamamahala at pagpapalaki ng tilapia sa fishcage at wastong pamamahal ng kanilang kita.
Kaugnay nito, isang tampok na seremonya ang isinagawa ngayong araw sa pamamagitan ng pagpapakawala ng tilapia fingerlings bilang simbolo ng pagsisimula ng operasyon ng proyekto.
Nangako nman ang lokal na pamahalaan ng Sta Maria at ang bawat miyembro ng kooperatiba na kanilang pangangalagaan at lalo pang pauunlarin ang nasabing proyektong ipinagkaloob sa kanila bilang bahagi ng pangmatagalang plano para sa pagpapaunlad ng lokal na pangingisda at dagdag kabuhayan. Inaasahang magsisilbing modelo o ehemplo ang proyekto para sa karatig lugar o munisipalidad sa buong rehiyon.
