Divilacan, Isabela — Sa pagdiriwang ng 56th Town Anniversary  at 14th Ikan Festival, na may temang “Pagbibigay Pugay sa mga Pinunong Gumabay sa Bayang Payak Tungo sa Pamayanang Dalisay,” matagumpay na naisagawa ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2) ang  pamamahagi ng mga kagamitang pangisda bilang suporta sa mga mangingisda ng komunidad ngayon araw, June 20, 2025.

Ipinagkaloob ng DA-BFAR 2 ang isang (1) 62-foot Tuna Handline FRP Fishing Boat, kalakip ang limang (5) yunit ng pakura at kumpletong fishing gears. Dagdag pa rito ang limang (5) motorized FRP fishing boats na may kasamang kagamitan, na ipinamahagi sa piling benepisyaryo mula sa mga asosasyon at komunidad ng mangingisda.

Ang turn-over ay isa sa mga pangunahing aktibidad sa pagdiriwang ng Ikan Festival, na kinikilala ang kontribusyon ng sektor ng pangisdaan sa lokal na ekonomiya at kultura. Layunin ng programang ito na mapalakas ang kakayahan ng mga mangingisda at mapataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at suporta mula sa pamahalaan.

“Ang mga kagamitang ito ay hindi lamang handog, kundi puhunan para sa mas ligtas at mas produktibong kabuhayan para sa ating mga mangingisda. Sa ating ipinagdiriwang ngayon, tunay na kinikilala natin ang halaga ng mga mangingisda sa pag-unlad ng ating pamayanan,” pahayag ni Angel B. Encarnacion, Regional Director ng DA-BFAR 2.

Ang seremonya ay dinaluhan ni Mayor Venturito C. Bulan at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan, mga lider ng komunidad, fisherfolk associations, at mga benepisyaryo na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa DA-BFAR 2 para sa tuluy-tuloy na suporta sa kanilang hanapbuhay.

Sa pamamagitan ng ganitong mga proyekto, ipinapakita ng DA-BFAR 2 ang matibay na suporta sa adhikaing mapaunlad ang sektor ng pangisdaan sa Rehiyon, kasabay ng pagtataguyod ng isang masaganang pangingisda at kita.