Tuguegarao City, Cagayan – Buong siglang nakiisa ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region II (DA-BFAR II) sa dalawang malaking kaganapan nitong Hunyo 23, 2025, ang ZUMamBA 6.0 sa ilalim ng selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan, at ang “Takbo Para sa Anibersaryo: Electro Rave Run for a Cause” bilang bahagi ng ika-80 anibersaryo ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Ang ZUMamBA ay isa sa mga pinakaaabangang aktibidad taon-taon tuwing Aggao Nac Cagayan.
Tinitipon ang iba’t ibang sektor ng komunidad kabilang ang mga national at local government units, Zumba Instructors (ZINs), Regional Fitness Influencers (RFIs), at mga coach mula sa buong rehiyon.
Kasabay nito, ipinamalas ng mga kawani ng BFAR II ang sigla at lakas sa “Electro Rave Run for a Cause” ng CVMC, isang natatanging night run na ginanap mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi sa Tuguegarao City. Bahagi ito ng selebrasyon ng ika-80 taong paglilingkod ng CVMC sa rehiyon. Ang mga nalikom mula sa takbo ay ilalaan para sa pagpapabuti ng serbisyo sa Cancer Center ng ospital – isang hakbang tungo sa higit pang pagpapaunlad ng pangangalaga sa pasyente.
Ang DA-BFAR II ay patuloy na sumusuporta sa mga programang nagpapalakas sa ugnayan ng mga institusyon at ng komunidad tungo sa isang mas malusog, mas masigla, at mas maunlad na rehiyon.


