Tuguegarao City, Cagayan – Sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo, patuloy ang suporta ng DA-BFAR II sa pagpapalakas ng mga programang pangkaligtasan sa pagkain at nutrisyon sa rehiyon bilang suporta sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028, alinsunod sa Presidential Decree No. 491 o ang Nutrition Act of the Philippines. Layunin ng taunang kampanya, na pinangungunahan ng National Nutrition Council (NNC), na palawakin ang kaalaman at kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa kahalagahan ng wastong nutrisyon.

Sa temang “Food and Nutrition Security, Maging Priority! Sapat na Pagkain, Karapatan Natin!”, binibigyang-diin ngayong taon ang agarang pangangailangang tiyakin na ang bawat Pilipino ay may sapat, ligtas, at masustansyang pagkain.

Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), ang food security ay isang kalagayan kung saan ang mga tao ay may pisikal, sosyal, at ekonomikong akses sa sapat na pagkain sa lahat ng panahon upang matugunan ang kanilang pangangailangang nutrisyonal. Binibigyang-halaga ng DA-BFAR II ang papel nito sa pagbibigay ng sapat na suplay ng pagkain mula sa yamang-dagat, paglikha ng kabuhayan, pagpapalaganap ng tamang kaalaman sa nutrisyon, at pagtitiyak ng katatagan ng suplay ng pagkain sa gitna ng mga hamong pangkalikasan at pang-ekonomiya.

Sa aktibong pakikilahok ng DA-BFAR II sa Buwan ng Nutrisyon, sa layon na makatulong sa pagbabawas ng kagutuman at malnutrisyon sa Rehiyon 2, at iparating sa lahat na ang sapat na nutrisyon ay hindi lamang pangangailangan, kundi isang karapatang dapat isulong at pangalagaan.