Isang makabuluhang pagkilala ang isinagawa sa katatapos na Parangal sa mga Magtatapos ng Isabela State University -Roxas Campus bilang pagkilala sa mga natatanging mag-aaral na nagpakita ng kahusayan sa akademya at mahalagang ambag sa komunidad ng paaralan, na ginanap sa Roxas Arts and Culture Sports Complex, Roxas, Isabela.

Isa sa mga tampok sa seremonya si Sharmaine Almero, ang nag-iisang iskolar mula sa Fisheries Scholarship Program ng BFAR Region 2, na nagtapos bilang Cum Laude.

Bilang pagkilala sa kanyang natatanging tagumpay, iginawad sa kanya ng BFAR RO2 ang ₱20,000 cash incentive.

Layunin ng aktibidad na pormal na kilalanin ang mga mag-aaral na nagsikap at nagtagumpay sa kanilang pag-aaral, gayundin ang mga naging inspirasyon sa larangan ng serbisyo at liderato. Ipinahayag din ng pamunuan ng unibersidad ang patuloy nilang suporta sa mga programang nagbibigay oportunidad sa mga kabataang may potensyal sa sektor ng agham, pangisdaan, at edukasyon.

Dumalo sa programa ang mga opisyal ng BFAR, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at pamilya ni Sharmaine, na nagbigay suporta at papuri sa kanyang tagumpay.

Ang tagumpay ni Sharmaine Almero ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na tahakin ang landas ng agham at pangisdaan, at patunay na ang determinasyon at sipag ay may kaakibat na biyaya at pagkilala.