Carmencita, Delfin Albano, Isabela – Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) Region 2 katuwang ang Local Government Unit ng Delfin Albano, Isabela (LGU-Delfin Albano) ang Harvest Field Day para sa Techno-demo cum Livelihood Project sa Monoculture ng Tilapia sa Palaisdaan ngayon araw, Agosto 1, 2025 sa Barangay Carmencita, Delfin Albano, Isabela.
Ipinagmalaki ng benepisyaryo ng proyekto na si Jose Bautista Jr. ang bunga ng kanyang pagsisikap habang inani ang kanyang kauna-unahang batch ng tilapia sa ilalim ng proyekto. Sa kanyang mensahe, taos-puso niyang pinasalamatan ang BFAR sa pagkakapili sa kanya bilang isa sa mga benepisyaryo. “Ngayon ay inaani ko na ang tagumpay ng unang aning ito. Maraming salamat sa BFAR sa pagbibigay ng ganitong pagkakataon,” aniya.
Binibigyang-diin ng aktibidad ang kakayahan ng monoculture ng tilapia bilang isang sustenableng kabuhayan at ang dedikasyon ng BFAR sa pagtataguyod ng mga maka-agham at pang-komunidad na pamamaraan ng aquaculture sa mga rural na lugar.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina Hon. Thomas A. Pua, Jr., Punong Bayan ng Delfin Albano; Hon. Renato D. Resurrection, Kapitan ng Barangay Carmencita; Dr. Emil June Ranchez, Municipal Agriculturist; Atty. Ronaldo Libunao, Chief ng Fisheries Production and Support Services Division (FPSSD); G. Gerico P. Gibe, Provincial Fishery Officer ng Isabela; kasama ang mga kawani ng BFAR Region 2, mga kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan, at mga opisyal ng barangay.
Bahagi ang proyektong ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na palakasin ang seguridad sa pagkain at pataasin ang kita mula sa sektor ng pangisdaan.





