Basco, Batanes – Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR RO2) sa pamamagitan ng Provincial Fishery Office ng Batanes ang Pagsasanay para sa Deputy Fish Warden noong Agosto 4–5, 2025 sa JPA Multipurpose Hall, BFAR Basco.
Layunin ng dalawang araw na aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga tagapagpatupad ng batas-dagat sa mga baybaying komunidad ng Basco. Lumahok sa pagsasanay ang mga mangingisda mula sa Basco, kinatawan mula sa Pamahalaang Lokal ng Basco,Brgy. Officials, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Philippine Navy.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga mahahalagang paksa tulad ng mga batas sa pangisdaan, proseso ng pagpapatupad ng batas, at mga tungkulin at pananagutan ng mga Deputy Fish Warden o Bantay Dagat, na ibinahagi ng mga tagapagsalita mula sa BFAR at katuwang na ahensya.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng BFAR sa pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng mga mangingisda, lokal na pamahalaan, at mga ahensyang tagapagpatupad ng batas upang matiyak ang napapanatiling pamamahala at proteksyon ng yamang-dagat sa lalawigan ng Batanes.









