Diffun, Quirino – Sa patuloy na suporta ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2), katuwang ang Provincial Fisheries Office ng Quirino at Pamahalaang Lokal ng Diffun, isinagawa ang isang Harvest Field Day para sa mga piling fishpond cooperators nitong Miyerkules, ika-6 ng Agosto 2025, sa Barangay Ricarte Sur, Diffun, Quirino.

Sa isinagawang aktibidad, itinampok ang tagumpay ni Ronald Raymundo, isa sa mga benepisyaryo ng proyekto, na nakapagtala ng humigit-kumulang 400 kilo ng tilapia sa partial harvest mula sa 1,000 metro kwadrado ng palaisdaan. Ang nasabing proyekto ay kabilang sa dalawang Pond-Based Monoculture Projects ng ahensya para sa taong ito. Target nitong makamit ang 900 kilo ng ani, na may 4–5 piraso kada kilo.

Ang proyekto ay isang full-support package na kinabibilangan ng libreng fingerlings, feeds, at fertilizer sa loob ng apat na buwan.

Nagpahayag ng pasasalamat ang ahensya sa matagumpay na techno-demo project ni Raymundo, na nagsilbing inspirasyon upang hikayatin ang iba pang mangingisda na subukan ang mga makabagong teknolohiya at best practices sa tilapia farming.

Kabilang sa mga lumahok sa naturang aktibidad ay ang Opisina ng Municipal Agriculturist sa pangunguna ni Sonny Pacunla, Agriculturist II; at si Janine Antolin, Fisheries Technician. Naroon din ang mga kawani at lider ng mga proyektong pang-aquaculture ng DA-BFAR 2 sa pamumuno ni Dr. Rhodamel Soriano, Sr. Aquaculturist, gayundin ang mga kasapi ng Villa Pascua Fisherfolk Association, Samahan ng Mangingisda ng La Paz, at mga lokal na mangingisda mula sa Ricarte Sur.

(Ulat ni Jesimie Tac-an, FLDT – PFO Quirino)