Bayombong, Nueva Vizcaya – Nagdiwang ang mga mangingisda at stakeholders sa Nueva Vizcaya sa panibagong tagumpay matapos isagawa ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2), sa pamamagitan ng Provincial Fishery Office, ang sunod-sunod na harvest field day sa tatlong bayan ng probinsya mula Agosto 5 hanggang 7, 2025. Ipinakita sa mga aktibidad ang kahanga-hangang ani mula sa mga Monoculture Techno-Demo Project sa Barangay Cutar (Aritao), Barangay Camandag (Ambaguio), at Barangay Runruno (Quezon).
Tampok sa aktibidad ang pagsisikap ng mga project cooperators na nagpapatupad ng makabagong pamamaraan sa aquaculture—isang mahalagang hakbang tungo sa napapanatiling pangingisda at mas pinahusay na kabuhayan sa lalawigan.
Nakapagtala si G. Abraham Mayoya (Brgy. Cutar, Aritao) ng paunang ani na 80 kilo (2-3 piraso bawat kilo) mula sa kanyang 500 sqm na palaisdaan, na may target na produksyon na 500 kilo. Samantala, si G. Vincent C. Ananayo mula Barangay Runruno, Quezon ay nakapag-ani ng 365 kilo (2-3 piraso bawat kilo) mula sa kanyang 1,000 sqm na palaisdaan, na may inaasahang kabuuang ani na 1,000 kilo. Si G. Dexter Guiniling naman ay nagpakita rin ng magagandang resulta sa kanyang ani na 341 kilo (3-4 piraso bawat kilo) mula sa 500 sqm na palaisdaan, na may target ding produksyon na 500 kilo.
Ipinahayag ni Mayor Binwag ng LGU Quezon ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng ahensya at binigyang-diin ang epekto nito sa mga mangingisda sa kanilang bayan.
“Naimpuswan nga panagyaman ti Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources iti awan patingga nga tultuloy nga idandanon nga pagsayaatan ti umili iti Quezon, kangrunaanna tatta dituy Barangay Runruno. Dakkel nga tulong nga naipaay kadagitoy fish farmers tayo daytoy Tilapia Culture.”
Dumalo rin sa aktibidad ang mga Municipal Agriculturist, Fisheries Technician, at mga kawani ng DA-BFAR 2 na pinangunahan ni Regional Director Angel B. Encarnacion, kasama sina Atty. Ronaldo R. Libunao (FPSSD Chief), Gemma N. Libunao (Post-Harvest and Marketing Section), Jay Arre Usquisa (PFO-Nueva Vizcaya), mga opisyal ng barangay, at mga mangingisda mula sa tatlong bayan.
Kasabay nito, isinagawa rin ang dalawang araw na Tilapia Hatchery Management Training noong Agosto 6–7, 2025 sa PFO-NV Training Hall. Tinuruan ang mga kalahok ng mas makabagong kaalaman sa pagpaparami ng tilapia, produksyon ng semilya (fry), at pamamahala ng hatchery.
Ang matagumpay na anihan at pagsasanay ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng DA-BFAR 2 para sa seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng kabuhayan sa pamamagitan ng aquaculture. Sa pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at mga mangingisda, patuloy na umuunlad ang industriya ng aquaculture sa Nueva Vizcaya.
(Ulat mula kay Kriya Romero, FLDT PFO-NV)
