Liwayway, Diffun, Quirino – Sa katatapos na Harvest Field Day para sa Polyculture Techno-Demonstration Project, ipinamalas ni Alexander Acosta ang masaganang ani mula sa kanyang palaisdaan.

Layon ng aktibidad na maipakita sa mga lokal na mangingisda ang benepisyo ng polyculture bilang isang likas at kayang pamamaraan sa aquaculture—na hindi lamang nagpapataas ng ani at kita, kundi tumutulong din sa mas epektibong paggamit ng likas na yaman.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Regional Director Angel Encarnacion na ang ganitong mga proyekto ay patunay ng matagumpay na pagtutulungan ng gobyerno at mga mangingisda. “Ang layunin natin ay hindi lamang maghatid ng teknolohiya, kundi magbigay ng tulay tungo sa mas maunlad at mas ligtas na kabuhayan. Ang bawat huli ay bunga ng sipag, tiyaga, at tamang kaalaman—ito ang ating puhunan para sa mas masaganang kinabukasan,” aniya

Ipinahayag ni  Mr. Acosta ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa DA-BFAR 2  sa ibinigay na teknikal na tulong at suportang pangkabuhayan, na aniya’y naging daan upang lalo niyang mapaunlad at mapanatili ang kanyang hanapbuhay sa pangingisda.

Ang Harvest Field Day ay bahagi ng patuloy na misyon ng DA-BFAR Region 2, sa pangunguna ni Regional Director Angel Encarnacion at ni Atty. Ronaldo Libunao, Chief ng FPSSD, katuwang ang Provincial Fishery Officer ng Quirino na si Christopher Casco, upang maghatid ng mas maayos na kabuhayan sa mga mangingisda, palakasin ang seguridad sa pagkain, at isulong ang likas-kayang pangisdaan sa buong rehiyon dos.

(ulat mula kay Rogie Langcay, Information Staff)