Ilagan, Isabela — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-13 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Ilagan, nagsagawa ng pamamahagi ng kagamitang pangisda ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2) sa pamamagitan ng Provincial Fisheries Office ng Isabela.
Sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan, katuwang ang iba pang lokal na opisyal, at sa suporta ng DA-BFAR 2 sa pamamagitan ni G. Gerico P. Gibe, Provincial Fisheries Officer ng Isabela, matagumpay na naipamahagi sa mga benepisyaryong mangingisda ang mga kagamitang tulad ng gill net o “sigay” bilang tulong pangkabuhayan para sa mga maliliit na mangingisda sa lungsod.
Layunin ng proyektong ito na suportahan at palakasin ang kabuhayan ng mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabago at episyenteng teknolohiyang pangisda. Ang mga ipinamahaging lambat ay idinisenyo upang mapataas ang kahusayan sa pangingisda at mabawasan ang hindi sinasadyang pagkakahuli ng ibang uri ng isda—kaagapay ng adbokasiya ng wastong pamamaraan ng pangingisda at pangangalaga sa yamang-dagat.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na programa ng DA-BFAR 2 na naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga mangingisda at palakasin ang sektor ng pangisdaan.
(ulat mula kay Gerico Gibe, PFO Isabela)



