Allacapan, Cagayan – Matagumpay na isinagawa ang Harvest Field Day kung saan tampok ang benepisyaryong si Denish Estrada na nagpakita ng masaganang ani mula sa kanyang palaisdaan noong Agosto 14, 2025 sa Barangay Bulo. Layon ng aktibidad na ibahagi sa komunidad ang teknolohiya sa monoculture ng tilapia bilang alternatibong kabuhayan para sa mga residente.
Sa mensahe ni Vice Mayor Jay-Ar D. Florida, binigyang-diin niya ang tulong ng programa ng DA-BFAR sa mga magsasakang naapektuhan ng pagbaha, habang si Atty. Ronaldo R. Libunao ay nagpaalala sa kahalagahan ng matatag at responsableng aquaculture. Pinangunahan naman ni Provincial Fisheries Officer Jennifer T. Tattao ang open forum upang sagutin ang mga katanungan ukol sa pamamahala ng palaisdaan.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa DA-BFAR 2, barangay at LGU officials sa pangunguna ni Mayor Yvonne Katrina S. Florida, mga federation associations, at mga operator ng palaisdaan.
(Ulat mula kay Dennis Julian)




















