Cauayan City, Isabela – Matagumpay na isinagawa ang Provincial Fisherfolk Assembly na pinangunahan ng DA-BFAR Region 2 noong Agosto 19, 2025 sa FL Dy Coliseum, Cauayan City, Isabela upang pagtibayin ang ugnayan ng pamahalaan, LGU, at mga samahan ng mangingisda at higit na mapalakas ang sektor ng pangisdaan.

Nagpahayag ng buong suporta si Mayor Ceasar S. Dy ng Cauayan City at kinilala ang mahalagang ambag ng mga mangingisda sa ekonomiya, samantalang nagbigay ng mensahe si Provincial Agriculturist Sergio St. Galamgam hinggil sa patuloy na pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapaunlad ng yamang-tubig.

Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni Regional Director Angel B. Encarnacion ang kahalagahan ng pagkakaisa ng gobyerno, LGU, at fisherfolk organizations upang masiguro ang seguridad sa pagkain, inklusibong paglago, at alternatibong kabuhayan.

Ibinahagi ni Vea Jay Ujano ng BFAR-PFO Isabela ang mga layunin ng assembly, habang tinalakay ni Mark Kevin Ramos ng BFAR RO2 ang mga pangunahing programa ng ahensya para sa pangisdaan. Inilahad naman ni Joal Taggueg ng OPAG-Isabela ang mga panlalawigang inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan para sa pangkabuhayan ng fisherfolk.

Naglatag ng mga programang makatutulong sa kabuhayan at trabaho si Peczon L. Topinio ng DOLE, habang ipinaliwanag ni Rosetom Molina ng PCIC ang mga benepisyo ng crop insurance bilang proteksiyon laban sa pinsala at pagkawala ng kabuhayan. Nagbigay din si Krizel J. Arconzel ng PSA-Isabela ng ulat sa kalagayan ng produksyon ng isda na magsisilbing batayan sa pagpaplano ng mga programa at polisiya.

Itinampok din sa pagtitipon ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng Isabela Provincial Fisherfolk Council of Leaders at ng Cauayan City CFARMC bilang patunay ng mas aktibong representasyon ng mga mangingisda sa pamamahala ng yamang-tubig at sa paggawa ng mga desisyong may direktang epekto sa kanilang kabuhayan.

Mahalagang naging bahagi ng pagtitipon ang pagbibigay ng plataporma para sa mga mangingisda upang mas maunawaan ang mga programa at proseso ng iba’t ibang ahensya, makapagtatag ng direktang ugnayan sa mga kinatawan ng pamahalaan, at maiparating ang kanilang mga hinaing at pangangailangan, na nagsisilbing gabay sa mas epektibong pagbabalangkas ng mga polisiya at interbensyon para sa sektor.

Nagtapos ang programa sa isang bukas na talakayan kung saan nabigyan ng pagkakataon ang fisherfolk leaders na magtanong at magbigay ng suhestiyon, at sa closing remarks ni Gerico Gibe, Provincial Fishery Officer ng Isabela, na muling nagpatibay sa pangako ng pamahalaan na ipagpatuloy ang suporta sa sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng inklusibo, makabuluhan, at sustenableng mga programa.