TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga manunulat at mamahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)  Region 2 sa epektibong paghahatid ng impormasyon, isinagawa ang pagsasanay sa pagsusulat ng balita sa Wikang Tagalog at Iloko na dinaluhan ng mga batikang tagapagsalita mula sa larangan ng pamamahayag noong Agosto 26-27, 2025.

Layunin ng pagsasanay na bigyan ng praktikal na kasanayan ang mga kalahok sa pagsusulat ng wasto, malinaw, at angkop sa kultura na mga balitang makaaabot at mauunawaan ng mas maraming mamamayan.

Ayon kay BFAR Regional Director Angel B. Encarnacion, layunin ng hakbang na ito na lalong mailapit ang loob ng kawanihan sa mga mangingisda sa pamamagitan ng epektibong komunikasyon.

Ibinahagi ni Arthur Urata Sr., beteranong broadcaster at miyembro ng Gunglo ti Mannurat ti Ilocano (GUMIL) ang kanyang kaalaman sa Iloko news writing, kung saan binigyang-diin  niya ang kahalagahan ng paggamit at pagpapanatili ng lokal na wika sa paghahatid ng balita.

Samantala, tinalakay naman ni Oliver Baccay, Assistant Regional Director ng Philippine Information Agency (PIA) Region 2, ang Tagalog news writing, kung saan inilahad ang mga teknik upang gawing mas malinaw at kawili-wili ang mga artikulo.

Ilan sa mga natutunan ng mga magsasanay ay ang mga mahahalagang gabay sa pagsusulat, paggawa ng headline, lead at katawan ng balita.

Kaugnay nito, sa pamamagitan ng bagong kaalaman sa larangan ng komunikasyon, inaasahan ng pamunuhan ng BFAR ang mas malakas, mas epektibo at mas mabilis na pagbabahagi ng impormasyon sa ibat-ibang paraan gaya ng social media at digital platforms. (Ulat mula kay Rogie Langcay)