SAN MARIANO, Isabela – Isinagawa ang partial harvest sa isang unit ng High Density Polyethylene (HDPE) fish cage na nakapuwesto sa Marannao Small Water Impounding Project, San Mariano, Isabela, kung saan nakapag-ani ng humigit-kumulang 300 kilo ng tilapia noong ika-28 ng Agosto 2025.

Layunin ng proyekto na mapataas ang produksiyon ng tilapia at makatulong sa pagpapalago ng kabuhayan ng mga operator ng palaisdaan sa rehiyon, bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Lubos ang pasasalamat ni Omar Odulio, Project Cooperator mula sa Malaya Sustainable Agriculture Cooperative, sa suportang natanggap mula sa BFAR.

“Sana patuloy ninyo kaming suportahan sa aming kabuhayan,” saad ni Odulio.

Samantala, sinabi ni Rhodamel Soriano mula sa seksyon ng Aquaculture na inaasahan pa ang mga susunod na harvest field day mula sa nasabing proyekto sa mga darating na buwan, na magbibigay ng dagdag na oportunidad at benepisyo sa mga lokal na mangingisda.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa BFAR, barangay officials, at Local Government Unit (LGU) sa pangunguna ni Amalia P. Culili, Municipal Agriculturist, kasama ang mga operator ng palaisdaan na katuwang sa pagpapatupad ng proyekto. (Ulat mula kay JC Macatiag)