Buguey, Cagayan — Isinagawa ngayong Setyembre 2, 2025 ng mga mangingisda sa Barangay Minanga Este ang ani ng bangus at malaga mula sa kanilang High-Density Polyethylene (HDPE) fish cage project—isang inisyatiba ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naglalayong palakasin ang lokal na produksiyon ng pagkain at katatagan ng kabuhayan.

Pinamamahalaan nang mahusay ang proyekto ng Minanga Este Fish Cage Operators Association, sa pangunguna ni Joseph Pagay, benepisyaryo ng HDPE project.

Nakaani ang mga cooperator ng mahigit 1,715 kilo ng bangus at 220 kilo ng malaga, ito ay patunay sa tagumpay ng proyekto at dagdag kita sa kabuhayan ni Pagay.

Pinangunahan ni Mayor Licerio Millare Antiporda III ang nasabing okasyon at binigyang-diin ang malaking ambag ng proyekto sa kabuhayan at seguridad sa pagkain ng pamayanan.

Sa pamamagitan ng mga proyektong tulad nito, ipinapakita ng BFAR ang patuloy na pagsuporta sa mga mangingisda tungo sa mas maunlad na pamayanan, mas matatag na kabuhayan, at mas ligtas na suplay ng pagkain para sa lahat. (ulat mula kay Kathleen Ortiz)