Sto. Niño, Cagayan — Pinangunahan ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2), katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Lokal na pamahalaan ng Sto. Niño, ang isinagawang Harvest Field Day o proyektong LAWA at BINHI  kasama ang Namuccayan Farmers’ Association noong Setyembre 3, 2025, bilang pagpapakita ng tagumpay ng kanilang community-based aquaculture initiative.

Sa naturang aktibidad, matagumpay na nakapag-ani ang asosasyon ng 174.8 kilo ng tilapia na agad na naibenta at nakalikom ng kabuuang halagang ₱27,982. Ang kita ay idinagdag sa kanilang rolling fund na magsisilbing dagdag-suporta sa pagpapatuloy at pagpapaunlad ng kanilang operasyon, upang mapanatili ang pangmatagalang kabuhayan ng mga miyembro.

Ang proyekto ay patunay ng kanilang patuloy na adbokasiya sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga organisadong mangingisda at magsasaka sa pamamagitan ng mga pagsasanay, tulong-pangkabuhayan, at teknikal na suporta. Sa pamamagitan ng pag-uugnay ng produksyon at pagkakaroon ng sapat na kita, higit nitong pinatitibay ang seguridad sa pagkain at itinataguyod ang pag-angat ng kabuhayan sa mga pamayanang rural.

Ipinahayag din ng MSWDO ang kanilang suporta sa asosasyon, na bukod sa pagkakaroon ng dagdag na kita, nakapagpapalakas din ito ng kooperasyon, pagtutulungan, at kaunlaran sa komunidad. Sa tulong ng patuloy na suporta mula sa mga katuwang na ahensya, inaasahang higit pang mapapalawak ng Namuccayan Farmers’ Association ang kanilang aquaculture activities at magsilbing huwaran sa iba pang people’s organizations sa bayan ng Sto. Niño. (Ulat mula kay Jayvie Corpuz)