TUGUEGARAO CITY – Nakilahok ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Cagayan Valley (BFAR) sa Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) Fun Run noong September 7, 2025, sa Cagayan State University Red Eagles Gymnasium.

Ang nasabing aktibidad ay nagsilbing kickstarter sa pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Civil Service Commission (CSC) na may temang “Bawat Kawani, Lingkod Bayani: Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan”.

Ayon kay Atty. Marilyn Yap, Chairperson ng CSC, ang aktibidad na ito ay isang makabuluhang pagtitipon ng mga kawani ng gobyerno.

“Simbolo ng kolektibong paninidigan, para sa pagbabago… pagbabago para sa katapatan ng serbisyo, at isang bagong Pilipinas,” ani Yap.

Binigyan diin ni Atty. Marites Lappay, Director IV ng CSC Cagayan Valley, ang layunin ng aktibidad na matulungan ang mga kapwa-lingkod-bayani at mapabuti ang kanilang kalusugan.

Bahagi rin ng nasabing aktibidad ang pagsayaw ng zumba bilang dagdag ehersisyo sa mga kalahok.

(Ulat mula kay Sophia Gudao)