Tuguegarao City, Cagayan – Sa pagtuloy na pagpapaigting sa kaalaman ng mga lokal na mangingisda sa rehiyon, isinagawa ang dalawang araw na pagsasanay sa pag-aalaga ng Tilapia, Hito, and Ulang noong Setyembre 4–5, 2025 sa MIS Hall, BFAR, Tuguegarao City.

Dinaluhan ang pagsasanay ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang barangay ng Enrile, Cagayan. Layunin nitong palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pag-aalaga at pamamahala upang makamit ang mas mataas na produksyon at kita para sa kanilang kabuhayan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Regional Director Dr. Angel B. Encarnacion ang kahalagahan ng ganitong mga pagsasanay sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga mangingisda.

“Naniniwala tayo na ang tamang kaalaman at kasanayan ay susi upang mapataas ang produksyon at mapabuti ang kita ng ating mga mangingisda. Sa pamamagitan ng patuloy na suporta at pagbabahagi ng teknolohiya, masisiguro nating mas magiging matatag ang sektor ng pangisdaan sa Region 2,” saad niya.

Tinalakay ng mga tagapagsanay ang iba’t ibang paksa gaya ng biology, sex identification, grow-out techniques, cost and return analysis, at fish health management, kabilang ang isang field visit sa Cagayan Valley Freshwater Technology Outreach Station (CVFTOS) sa Iguig.

Dumalo rin sa aktibidad sina Dr. Evelyn Ame, Chief ng RDTFCD, Provincial Fishery Officer ng Cagayan na si Jennifer Tattao, at mga kinatawan mula sa LGU Enrile bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa mga mangingisda.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, dala ng mga kalahok ang mas pinatibay na kaalaman at kasanayan sa aquaculture na magsisilbing gabay sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan. Patuloy ang suporta ng BFAR at ng mga lokal na pamahalaan, upang higit na maisulong ang mas produktibo at mas maunlad na sektor ng pangisdaan. (Ulat mula kay Jayvie Corpuz)