Tagaytay City, Cavite – Kasalukuyang idinaraos ngayong Setyembre 9, 2025 sa Hotel Dominique, Tagaytay City, ang ika-18 na pagpupulong ng Fisheries Management Area 1 (FMA 1) Management Board at ika-16 na pagpupulong ng Science Advisory Group (SAG).
Dumalo sa pagpupulong ang mga miyembro ng Management Board – mga kinatawan mula sa BFAR, DENR, akademya, NGO, kasama ang mga sektor pangisdaan tulad ng IFARMC, municipal, post-harvest, at iba pang stakeholders upang talakayin ang mga kasalukuyang isyu sa pangisdaan, repasuhin ang umiiral na mga polisiya, at bumuo ng mga rekomendasyon para sa mas epektibong pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order (FAO) 263 na nagsusulong ng responsableng pamamahala ng yamang-dagat sa FMA 1.
Inaasahang magreresulta ang pagtutulungan ng Management Board at SAG sa mas matibay na direksyon para sa pangisdaan—mula sa mas maayos na pamamahala ng yamang-dagat hanggang sa mas maunlad na kabuhayan ng mga mangingisda na nasasakupan ng FMA 1.
Ang pagpupulong ay sinuportahan din ng ZSL-Philippines para sa proyekto na ngayon ay tinatawag na “PROCA Project” na naglalayong magtalaga ng lugar ng konserbasyon ng pangisdaan sa Talampas ng Pilipinas. (Ulat mula kay Aleah Cristobal)
