Isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang tatlong araw na pagsasanay sa pagiging mahusay at epektibong mamamayahag sa pamamagitan nang pagsasahimpapawid sa radyo at telebisyon mula ika-9 hanggang 11 ng Setiyembre, 2025.

Layunin ng naturang hakbang na maihanda ang mga extension workers at technical staff na maging tulay sa pagpapalaganap ng mga programa at adbokasiya ng ahensiya sa mga kilyente nito sa rehiyon dos.

Samantala, hinikayat ni Atty. Ronaldo Libunao, hepe ng Fisheries Production and Support Services ang mga kalahok na gawing makabuluhan ang pagsasanay na ito, sapagkat malaki ang kanilang magiging papel sa adhikain ng ahensiya na mapalawig ang mga stratehiya nito sa larangan ng komunikasyon gamit ang makabagong teknolohiya sa hinaharap.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Domingo “Ding” Fugaban, isang batikang broadcaster sa rehiyon ang mga mahahalagang leksiyon at mga pamantayan sa pagsusulat, pagbabalita gamit ang radyo.

Bukod dito, tinuruan din ni Assistant Regional Director Oliver T. Baccay ng Philippine Information Agency kung paano sumulat ng balita, paggawa ng program script, ilang puntos kung paano humarap sa camera at iba pang mahahalagang impormasyon hinggil sa pagbabalita gamit ang telebisyon at livestream.