PIAT, Cagayan – Upang mapanatili ang suplay ng isda, price stability, at mapataas ang kita ng mga nagtitinda at fish producers, ipinagkakaloob ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office 02 (DA-BFAR RO2), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Piat, ang Fish Trading Technology Demonstration Project sa pamilya ni Mar Dangilan ng Barangay Baung ngayong Setyembre 17, 2025.
Nagkakahalaga ng ₱400,000 ang proyekto, kabilang ang mga kagamitang kailangan sa pagtitinda at panimulang panindang isda na nagkakahalaga ng ₱10,000.
“Sa pamamagitan ng techno-demo na ito ay makakamit natin ang criteria for food security. Dapat may available, affordable, at accessible na isda dito sa Piat,” pahayag ni Atty. Ronaldo R. Libunao, Chief ng Fisheries Production and Support Services Division.
Layunin ng proyekto na maihatid ang mga isdang dagat sa mga bayan na malayo sa baybayin at magsilbing pamilihan para sa mga lokal na fish producers na may sobrang ani.
Batay sa limang taong kasunduan ng DA-BFAR RO2 at ng benepisyaryo, mahigpit na minomonitor ng ahensya ang pagpapatupad ng proyekto. Kabilang dito ang obligasyong iimpok sa bangko ang kalahati ng kita na hindi maaaring galawin sa loob ng limang taon, habang ang natitirang kalahati ay ginagamit para mapanatili ang operasyon.
Ipinagmamalaki ni Gemma N. Libunao, Section Head ng Fisheries Post Harvest and Marketing Section, na tanging ang DA-BFAR RO2 lamang ang nagbibigay ng buong suporta sa mga benepisyaryo ng ganitong uri ng proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng kagamitan at pagsasanay. Dagdag pa ni Atty. Libunao, kapag naging matagumpay ang techno-demo sa rehiyon, ito ay irerekomenda sa Central Office upang maipatupad din sa buong bansa.
Lubos namang nagpapasalamat si Dangilan sa natanggap na proyekto at nangakong aalagaan at lalo pang pauunlarin ito. Inaasahan ding mas titibay ang tagumpay ng proyekto sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, isinasagawa rin ang Skills Training on Fish Trading para sa mga miyembro ng benepisyaryo at iba pang nagtitinda ng isda sa bayan. Tinatalakay sa pagsasanay ang proper fish handling, market techniques, Good Manufacturing Practices (GMP), Standard Sanitation Operating Procedures (SSOP), at simpleng bookkeeping. Nakatakda ring magkaroon ng aktwal na pagsasanay sa mga nabanggit na paksa bukas.
Nagsilbing tagapagsanay sa aktibidad ang mga eksperto mula sa BFAR. Kasama rin sa programa si Mayor Lionel Guzman, ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, si Municipal Agriculture Officer Marideth Maramag kasama ang kanyang pangkat, at mga empleyado ng DA-BFAR RO2.

























