Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 62nd Fish Conservation Week, isinagawa noong Setyembre 16-17, 2025 ang Harvest Field Day sa mga Techno-Demo cum Livelihood Project na may kabuuang lawak na 1,000 square meters sa mga bayan ng Quirino at Cabatuan, lalawigan ng Isabela.
Ang programa ay inisyatibo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naglalayong palakasin ang produksiyon ng pagkain at patatagin ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda sa Rehiyon Dos.
Sa bayan ng Quirino, ang benepisyaryo ay si Eddie Hermano, cooperator ng Monoculture of Tilapia in Ponds, na may tinatayang 1,062 kilo ng produksiyon.
Samantala, sa bayan ng Cabatuan, si Rolly Bergonia naman ang cooperator ng Polyculture of Tilapia and Giant Freshwater Prawn (Ulang) na may target production na 650 kilo ng tilapia at 50 kilo ng ulang.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa BFAR, mga opisyal ng barangay, Local Government Unit (LGU), at mga operator ng palaisdaan, bilang suporta sa pagpapatuloy ng mga proyektong pangkabuhayan para sa mas matatag na sektor ng pangisdaan sa rehiyon. (Ulat mula kay John Carlo Macatiag)






