BAYOMBONG, Nueva Vizcaya — Pinalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ang adhikain sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa pangangalaga ng yamang-tubig sa pamamagitan ng isang On-the-Spot Poster Making Contest na idinaos sa PFO-Nueva Vizcaya Training Hall noong Setyembre 17, 2025 na dinaluhan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralang sekundarya at kolehiyo sa lalawigan.
Binigyang-diin ni Provincial Fishery Officer, Jay Arre M. Usquisa, ang kahalagahan ng aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fish Conservation Week. Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa patuloy na pagsuporta ng mga munisipyo sa lalawigan. “Napakahalaga ng programang ito para sa pagkonserba, pagprotekta, at pag-aalaga sa ating kalikasan, lalo na ang ating mga yamang-katubigan, dahil alam naman natin na ang kayamanan ay may hangganan,” ani Usquisa.
Nakamit ni Phylis Buyagawon, estudyante mula sa NVSU, ang unang pwesto. Pumangalawa naman si Queen Lyka Abundio na tubong bayan ng Diadi, at pangatlo si Romeo Josef Dacayo, mula sa bayan ng Villaverde.
Sa pagsagawa ng aktibidad na ito mas lalo pang pinaigting ang adhikain ng kawanihan sa pangangalaga ng mga yamang-dagat at gawing daan ang sining para maiparating sa mas nakararami ang mensahe ng konserbasyon. Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, ninanais ng kawanihan na makapag-iwan ng isang makabuluhang impresyon sa mga kabataan, na siyang susunod na tagapangalaga ng mga likas na yaman ng bansa. (ulat mula kay Khria Romero, PFO Nueva Vizcaya).













