BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Bilang bahagi ng pagsusumikap na muling buhayin ang mga ilog at lawa ng bansa, nagkaisa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Nueva Vizcaya State University (NVSU) Bayombong Campus at Local Government Unit (LGU) ng Bayombong para sa isang clean-up drive sa Paitan River, Bayombong, Nueva Vizcaya na ginanap ngayong araw, ika-25 ng Setyembre, 2025.

Ang aktibidad ay ginanap sa ilalim ng programang “Balik Sigla sa Ilog at Lawa” o BASIL ng kawanihan ay dinaluhan ng mga mag-aaral at officer ng Junior Fisheries Professional pati na rin ng mga guro mula sa College of Agriculture- Department of Fisheries, kasama ang mga kawani mula sa Local Government Unit (LGU) ng Bayombong at ng Provincial Fishery Office ng Nueva Vizcaya.

Layunin ng aktibidad na linisin ang isang mahalagang bahagi ng Ilog Magat at pataasin ang kamalayan ukol sa pangangalaga ng mga likas-yamang pang-tubig. Bago magsimula ang aktibidad, nagkaroon muna ng maikling pagsasalita upang ipaliwanag ang kahalagahan ng BASIL Program upang maibalik muli ang dating ganda at yaman ng mga ilog, lawa at saka maparami pa ang mga isda.

Matagumpay na naisakatuparan ang clean-up drive na nagpapakita ng matibay na adhikain ng iba’t ibang sektor na protektahan ang kapaligiran.

Sa pamamagitan ng mga ganitong hakbang, inaasahang mapananatili ang yaman at sigla ng mga katubigan ng Nueva Vizcaya para sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon. (Khria Romero, PFO Nueva Vizcaya)