TUGUEGARAO CITY –  Hinihikayat ni Regional Director Angel B. Encarnacion ang mga mangingisda  na ipagpaliban muna ang manghuli ng isdang Ludong o Lobed river mullet (Cestreaus sp.) sa Cagayan River mula Octukbre 1 hanggang ika-15 ng Nobiyembre alinsunod sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Administrative Circular No. 247, ang batas na nagsusulong sa Closed Fishing Season na kung saan ipinagbabawal ang pangingisda ng Ludong sa loob ng 45 na araw.

Ayon kay Encarnacion, layunin ng naturang hakbang na muling paramihin ang isdang ludong at hayaang makapangitlog ito sa bukana ng ilog Cagayan tuwing buwan ng Oktubre hanggang Nobiyembre kasabay nang malalakas na ulan at malawakang pagbaha. Bukod dito, ninanais din ng naturang batas na masiguro na sapat ang supply ng isda bilang pangunahing pangkabuhayan ng mga nakatira malapit sa ilog.

Pinapahalagahan ang Ludong na tinaguriang President’s Fish dahil ito ang pinakamahal na isda sa Pilipinas dahil sa taglay nitong kakaibang linamnam at lasa at naging tanyag itong panregalo ng mga may kaya sa Lipunan.

Kaugnay nito, sa isang pahayag, kasalukuyan nang naghahanda ang ahensiya na ipalaganap ang mga programa nito sa ilalim ng BAC 247 katulad ng pagsasagawa ng information dissemination drives, market denial sa mga pangunahing pamilihan, monitoring at papapatrolya sa ilog Cagayan. Ito ay ayon kay Atty. Arsenio S. Banares, hepe ng Fisheries Management Regulatory and Enforcement Division.

Idinagdag pa niya na maliban sa paghuli gamit ang ano mang paraan pagbili o pagbenta, pagluwas, pagtataglay, o pagexport ng ludong kaalinsabay sa Closed Season, nakasaad din sa batas na ipinagbabawal ang paghuli ng buntis na Ludong o di kaya sexually mature na babae at lalakeng Ludong na maaaring dahilan ng pagbabayad ng multa at pagkakulong.

Sa kabilang banda, muling pinaalalahanan naman ng ahensiya ang mga mangingisda na makipagtulungan sa pamahalaan sa mga adhikain nitong muling maparami ang lahi ng Ludong upang makamit ang mas masaganang pangisdaan sa hinaharap.