TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Sa isinagawang exit conference para sa mga mag-aaral mula sa Cagayan State University – Carig Campus, kinilala ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office No. 2 (DA-BFAR RO2) ang dedikasyon at pagsisikap ng mga On-the-Job Trainees (OJT) sa kanilang naging bahagi sa mga programa at operasyon ng ahensya.
Layunin ng aktibidad na ito na bigyang pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga karanasan, natutunan, at obserbasyon habang sila ay nagsasanay sa iba’t ibang division ng tanggapan. Sa pamamagitan nito, naipahayag din ng pamunuan ng DA-BFAR RO2 ang kanilang pasasalamat sa mga OJT sa tulong at kontribusyong kanilang naibigay sa pagpapatupad ng mga gawain ng ahensya.
Ang DA-BFAR RO2 ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga unibersidad at kolehiyo sa rehiyon upang magbigay ng oportunidad sa mga kabataan na magkaroon ng aktwal na karanasan sa serbisyo publiko at sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan sa sektor ng pangisdaan. (Rogie Langcay, FIS)











