BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Nagkaisa ang mga mangingisda at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa isinagawang pagpupulong noong Oktubre 22, 2025, sa Ammungan Hall, Capitol Compound, Bayombong, Nueva Vizcaya. Layunin ng pagtitipong ito na palakasin ang hanay ng mga mangingisda na siyang sandigan ng sektor ng pangisdaan sa lalawigan.
Dumalo sa aktibidad ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Vizcaya, kasama ang kanilang mga Municipal Agriculturists at Fishery Technicians. Nakibahagi rin ang mga kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Philippine Statistics Authority (PSA), Agriculture Credit Policy Council (ACPC), Provincial Agriculture Office (PAO), at Nueva Vizcaya Agriculture Cooperative (NVAC).
Tampok sa programa ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon at pagpapakilala ng mga bagong programa at serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga mangingisda. Ibinahagi ng mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang ahensya ang mga hakbang at oportunidad upang mapataas ang kita at mapatatag ang kabuhayan ng mga mamamalakaya sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Regional Director Angel B. Encarnacion ang kahalagahan ng patuloy na konsultasyon at koordinasyon sa mga mangingisda upang matugunan ang mga pagbabago sa klima at pangangailangan ng sektor.
“We are doing this every year because times and the needs of our fisherfolk change. This is one of our regular activities — a consultation with our fisherfolk, together with LGUs and partner agencies, to address issues and strengthen support. BFAR is committed to supporting the fisheries programs of Nueva Vizcaya,” pahayag ni RD Encarnacion.
Bukod sa pagtugon sa mga hamon at hinaing ng mga mangingisda, binigyang-diin ng pagpupulong ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa upang masiguro ang patuloy na pag-unlad at pagpapatatag ng industriya ng pangingisda sa lalawigan. (Khriya Romero, PFO Nueva Vizcaya)









