CAUAYAN CITY, Isabela — Nakiisa sa selebrasyon nang Araw ng mga Magsasaka at Mangingisda ang Kawanihan ng Pangisdaan Rehiyon Dos sa pangunguna ni Regional Director Angel B. Encarnacion ngayong araw, ika-12 ng Abril 2023 na ginanap sa BGD Sports Complex, Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Sa kaniyang talumpati bilang isa sa mga Pangunahing Pandangal, ipinaabot ni RD Encarnacion ang taos-puso nitong pasasalamat sa Lokal na Pamahalaan sa Siyudad ng Cauayan sa pagkilala sa mga namumukod- tanging pagsisikap ng mga magsasaka’t mangingisda na patuloy na pagkakaroon ng sapat na pagkain sa naturang bayan sa kabila ng mga hamon na dala nang nagdaang pandemya at sa mga kamakailang mga pagbabago sa ekonomiya.

“Napupunan ang hapag ng pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inyong lakas, diskarte at sipag. Katumbas ng mga oras na inilagi ninyo sa kabukiran at merkado ang pagyabong ng sektor ng agrikultura at pangisdaan at ang mas masaganang ani at mataas na kita para sa ating mamamayan”, wika ni Direktor Encarnacion.

“Ika nga ng Tema natin ngayong taon: “Makabagong Magsasaka at Mangingisda, Maunlad na Kinabukasan Tungo sa Masaganang Ani at Mataas na Kita”, lubos ang aming pasasalamat sa walang patid ninyong pakikiisa sa hangarin nating itaguyod ang kasapatan ng pagkain. Maging tanda nawa ang pagtitipon at parangal na ito sa patuloy ninyong pag-aangat sa antas at produksyon ng ating industriya, at pagtataya para sa kinabukasang walang naiiwan. Habang kayo’y nakikiambag sa mithiing pagbabago, kasabay ninyong naglalatag ng solusyon ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng modernisasyon at pagpapaunlad ng teknolohiya”, dagdag nito.

Maliban dito, hinikayat rin nito ang ating magigiting na magsasaka’t mangingisda upang sagarin ang pagtutulungan at pakikinig sa mga kasamahan sa sektor, nang sa gayon ay matugunan ang puwang mula sa pagtatanim at pangangalap ng ani para sa mataas na kita, sa pag luluwas at pag-iimpok ng mga produkto, at sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga kababayan nating nagsisikap at tumatalunton sa tamang pamamahala.

Kasabay nang pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival, ang naturang patitipon ay dinaluhan din ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at ang Lokal na Pamahalaan ng Siyudad ng Cauayan, at mga katuwang na ahensya tulad ng National Irrigation Administration (NIA), Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at iba pang bisita. (VRU, PFO Isabela)