Gaddangao, Rizal, Cagayan – Ginanap kamakailan ang kauna-unahang harvest field day sa barangay Gaddangao, bayan ng Rizal, Cagayan sa pangunguna nila Regional Director Angel Encarnacion at Vice Mayor Brenda Ruma na siyang kumatawan mula sa lokal na pamahalaan ng naturang bayan.

Sa ginawang harvest field day, ibinahagi ng mag-asawang John Paul at Janet Simon ang kanilang karanasan sa pag-aalaga ng tilapia bago pa sila nagkaroon nang pormal na pagsasanay mula sa DA-BFAR RO2. Batay sa kanilang salaysay, pinapakain lang nila araw-araw ang mga isda na walang sinusundang pamamaraan. Bukod dito, hindi rin sila gumagawa ng talaan sa mga ginagawa nila sa palaisdaan.

“Noong una po, wala kaming alam, pero sa pamamagitan ng tulong ng BFAR at LGU Rizal, nagkaroon ng site validation at nakapasa ang aming area na 500 square meters. Nagkaroon kami ng training sa Claveria, Cagayan, sinundan ng pond preparation, at pagdadala ng mga fingerlings nila FLDT Tiffany Anne Cabulay at ibang staff ng ahensiya. Dalawang beses sa isang buwan nila kami pinupuntahan para sa tamang pagpapakain ng feeds at kaukulang mga pagsusulat ng aming mga obserbasyon sa bawat araw ukol sa mga isda. Lahat ng ito ay libre, na ang kapalit ay ang sipag at tiyaga sa pagpi-fishpond”.

May kabuuang 2,500 fingerlings ang inilagay sa 500 square meters noong buwan ng Hunyo nitong taon. Sa aktuwal at huling pagsusuri, tatlong piraso kada kilo na may 238 timbang ang isang tilapia. Tinatayang nasa 80% ang survival rate nito at 40.3% naman sa tinatawag na return of investment.

Ang tilapia-grow-out culture in pond ay isa sa mga programang isinusulong ng kawanihan sa pamamagitan ng Provincial Fisheries Office ng  Cagayan na pinangungunahan ni PFO Jennifer Tattao. Kabilang sa mga tulong ng DA-BFAR maliban sa mga farm inputs ang pagbibigay ng tulong teknikal upang maging matagumpay ang pag-aalaga ng isda sa palaisdaan.

Sa mensahe ni BFAR RD Encarnacion, kaniyang binigyang diin na laging handang tumulong ang kanyang tanggapan para sa mga pangangailangan ng mga mangingisda anumang oras. Aniya, “madami pa ang pagtutulungang proyekto ng LGU Rizal at ang BFAR rehiyon dos”.

Samantala, ayon naman kay Vice Mayor Brenda Ruma, sana magtuluy-tuloy ang ganitong mga proyekto upang dumami ang kanilang co-operators sa pagpi-fishpond dahil hindi lamang ito alternatibong pangkabuhayan kundi malaki itong tulong lalo na sa suplay ng pagkain sa hapag kainan ng bawat pamilya sa Rizal.

Sa ginawang open forum, malugod na sumagot  ang hepe ng Fisheries production division na si Atty. Ronaldo Libunao at Municipal Agriculturist Engr. Juanito Guzman sa mga katanungang  may kaugnayan sa wastong teknolohiya nang pag-aalaga ng isda. Aniya ng dalawa, mahalagang magkaroon ng tamang kaalaman ang sinumang nagnanais mag-alaga ng tilapia gamit ang mga isinusulong ng ahensiya na teknolohiya.